CAGAYAN DE ORO CITY – Palaisipan ngayon para sa pamilya, mga kaanak at mga kapitbahay kung bakit na tila puwersahang binuksan ang nitso na pinaglagyan ng bangkay ng babae na inilibing sa isang sementeryo sa Barangay Tignapoloan, Cagayan de Oro City.
Ito ay matapos mayroong nakakita at tuluyang nadiskubre na nabuksan ang nitso kung saan inilagay ang bangkay ng biktima na si Evelyn Natindim na residente sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Lumbia Police Station commander Maj Aldrin Baculio na agad nila tinungo ang lugar para maimbestigahan ang pangyayari.
Binanggit ni Baculio na ayon sa salaysay ng asawa ng biktima na totoo na bukas na ang nitso at maging ang kabaong na nilagyan ng biktima kung saan bahagyang nakabukas ang pang-itaas na damit nito.
Ito ang dahilan na pinaniwalaan na maaring pinagsamantalan ng hindi pa kilala na mga responsable ang katawan ng biktima.
Ini-rekomenda naman ng pulisya sa pamilya na isailalim ng otopsiya ang mga labi ng biktima para matukoy na talagang ginalaw ito habang nanahimik na sa mundong ibabaw.
Lumabas rin ang haka-haka na posibleng kinunan ng ilang bahagi ng katawan ang biktima para gagamitin na ‘anting-anting’.
Malakas rin ang pananiwala ng pulisya na pinag-interesan ng mga responsable ang mga alahas ng biktima subalit hindi naman ito kasama na ipinapadala nang inihatid ng kanyang huling hantungan noong nakaraang Sabado.
Namatay ang biktima nang dinapuan ng sakit habang nagbubuntis.