Natagpuan na ang bangkay ng isang 16 anyos na lalaki nitong Huwebes ng hapon sa Gen. Maxilom Ave., lungsod ng Cebu matapos inanod ito ng tubig-baha dahil sa lakas ng ulan na nararanasan noong Martes ng gabi.
Personal na tinungo ni Cebu City Mayor Edgardo Labella ang pagkuha sa bangkay at nangako itong magbigay-tulong sa pamilya ng namatay.
Inihayag ng alkalde na ang City government na ang bahala sa pagpapalibing ng batang kinilalang si Hansel Dayondon.
Ayon pa sa lola nitong si Lucia Maribeles, natulog sa ilalim ng tulay si Hansel kasama ang kanyang barkada nang bigla nalang umanong tumaas ang tubig. Nagawa pa umanong hawakan ng kasama nito ang kanyang kamay bago tuluyang naanod. Dahil sa lakas ng daloy ng tubig-baha, hiniling nalang umano nitong bitawan at magpatangay na lang sa baha.
Samantala, inihayag pa ni SFO1 Romeo Birao Jr. na dahil sa dami ng kahoy at mga basura, sumabit ang bangkay nitong natagpuan sa ilalim ng parking area ng isang hotel sa nasabing lugar.