KALIBO, Aklan — Ikinalungkot ni Aklan 1st District Congressman Jess Marquez ang umiinit na bangayan sa pagitan ng Kamara at Senado kaugnay sa flood control anomaly.
Ito ay kasunod ng naging privilege speech ni dating Senate President Francis “Chiz” Escudero kamakailan kung saan, kinuwestiyon nito kung bakit siya ang nadidiin sa mga insertion at flood control scandal sa kabila na si Rep. Martin Romualdez ang utak ng mga ito.
Ayon kay Rep. Marquez, sa halip na magturuan ay dapat na matukoy kung sino ang tunay na sangkot sa kontrobersiya.
Mas mabuting hintayin na lamang umano ang hatol ng Independent Committee for Infrastructure sa nagpapatuloy nilang imbestigasyon.
Mahalaga aniyang malaman ng mga taxpayers ang katotohanan dahil sa malaking halagang nabulgar na diumano’y pinaghahatian ng mga opisyal ng gobyerno, Department of Public Works and Highways at kontratista.
Dahil sa pangyayari, naapektuhan ang mga naka-linyang flood control projects sa lalawigan ng Aklan matapos tanggalin ang pondo para sa flood control projects ng DPWH.
Sa oras na maresolba ang problema, maaaring maibalik ang pondo para dito sa taong 2027 pa.