Pansamantalang sinuspinde ng gobyerno ang “Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa” program.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni National Housing Authority (NHA) General Manager at Executive Director Marcelino Escalada Jr. na ang hakbang na ito ay isang estratehiya para bigyang-daan muna ang pagpapauwi sa mga stranded locals sa kani-kanilang probinsiya.

Ayon kay GM Escalada, nagkasabay-sabay naipon dito sa Metro Manila ang mga overseas Filipino workers (OFWs), construction workers, mga estudyante at iba pang lokal na turista dahil sa ipinatupad na lockdown.

Inihayag ni GM Escalada, dahil may utos si Pangulong Rodrigo Duterte na unahing pauwiin ang mga OFWs gayundin ang iba pang mga na stranded na mga indibidwal na wala namang mga bahay dito sa Metro Manila, nagpasya siyang isuspinde na muna ang “Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa” program.

Mahirap umanong isabay sa bulto ng mga locally stranded individuals ang pagpapauwi sa mga benepisyaryo ng “balik probinsiya.”

Kapag natapos na umano ang pagpapauwi sa mga locally stranded individuals, saka na lamang itutuloy ang “balik probinsiya” program, na sa tantiya niya ay sa Hulyo ngayong taon.