Tinanggihan ni Ateneo Blue Eagles head coach Tab Baldwin na bayaran ng iba ang multang ipinataw sa kaniya ng Philippine Basketball Association (PBA).
Sinabi nito na, may mga alumni ng Ateneo at mga negosyante ang nagpahayag na kanila ng babayaran ang P75,000 na multang ipinataw sa kaniya ng PBA.
Dagdag pa nito na sa ilang taon nito sa posisyon ay alam niyang panghawakan ang kaniyang responsibilidad.
Labis ang pasasalamat nito sa mga alumni at mga negosyante sa kanilang plano.
Magugunitang pinatawan ng PBA ng multa si Baldwin dahil sa negatibong komento nito sa tournament format, pagkuha ng import at ang coaching type ng PBA.
Kabilang kasi ang dating Gilas Pilipinas coach at American-Kiwi tactician sa coaching staff ng TNT KaTropa.
Bukod sa nasabing multa ay pinatawan din siya ng tatlong laro na suspension at kamakailan ay humingi na rin ito ng paumanhin.