Humirit ng pahinga si Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque para sa mga magigiting na health care workers na halos pitong buwan nang nagsisilbi sa bayan para labanan ang coronavirus disease.
Ginawa ng kalihim ang nasabing suhestyon sa public briefing nito kahapon kasama si National Task Force (NTF) Against COVID-19 chief implementer Sec. Carlito Galvez Jr.
Maaari raw nilang irekomenda sa mga ospital na habang nasa 50% ang utilization rate ng kanilang health facilities ay pwedeng pagbakasyunin muna ang ilang frontliners.
Ito ay para na rin magkaroon ng maayos na pahinga ang mga ito habang hindi pa kritikal ang kalagayan ng critical care capacity ng bansa.
Nakahanda naman si Galvez na talakayin ang naturang paksa kay Health Undersecretary Leopoldo Vega, na siyang nangunguna sa One Hospital Command.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH) na nasa 47% lamang ng COVID-19 intensive care unit beds sa buong bansa ang okupado habang 24% naman ng mechanical ventilators ang ginagamit ng mga coronavirus patients.