-- Advertisements --

Iginiit ng Malacañang na nasa Department of Finance (DOF) na ang desisyon sa isinumiteng proposal ng Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay sa posibleng cash subsidy ng pamahalaan sa distressed Medium and Small Enterprises (MSEs) ngayong COVID-19 pandemic para maibigay pa rin ng mga ito ang 13th month pay ng kanilang mga kawani.

Magugunitang noong nakaraang linggo, inianunsyo ni Labor Sec. Silvestre Bello III na nasa P3.7 billion hanggang P13 billion ang pagtaya na kakailanganin para sa 13th month pay ng 1.5 na milyong manggagawa ng MSEs.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, DOF lamang ang makakatugon sa bagay na ito.

Ayon kay Sec. Roque, kahit umano aprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) ang rekomendasyong ito ng DOLE, kung wala namang mahuhugot na pondo ay wala ring mangyayari.

Sa kasalukuyan umano, mayroon pang hinihintay na ilang impormasyon ang DOF mula sa DOLE bago makapagpasya kaugnay sa usaping ito.