-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na humina ang Tropical Depression Wilma bilang low pressure area (LPA) nitong Linggo ng umaga, kaya’t tuluyan nang inalis ang lahat ng wind signals sa bansa.

Huling namataan ang LPA sa paligid ng Cataingan, Masbate.

Bagaman humina ang bagyong Wilma, nagbabala ang Pagasa na magpapatuloy ang gale-force na hampas ng amihan sa malaking bahagi ng Luzon, Visayas, at Zamboanga Peninsula, lalo na sa baybayin at mataas na lugar.

Nanatili rin ang gale warning sa hilagang at silangang baybayin ng Luzon.

Patuloy na gagalaw ang LPA pakanluran o bahagyang pakanlurang-timog habang tumatawid ng Southern Luzon at Visayas.

Posible rin umanong muling maging tropical depression ang LPA pagdating nito sa West Philippine Sea.