-- Advertisements --

Unti-unti nang lumalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) si Tropical Storm Ramil (international name: Fengshen), ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Oktubre 19.

Huling namataan ang bagyo sa West Philippine Sea at inaasahang lalabas ng PAR pagsapit ng Lunes ng umaga, Oktubre 20.

Ilan sa mga lugar na nasa ilalim pa rin ng Signal No. 2 ay ang gitna at katimugang bahagi ng La Union, kanlurang at gitnang bahagi ng Pangasinan, Zambales, Tarlac, kanlurang bahagi ng Pampanga, at hilagang bahagi ng Bataan.

Samantala, Signal No. 1 naman ang nakataas sa iba pang bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Batangas, Quezon, Mindoro, at ilang lalawigan sa Hilagang Luzon.

Nagbabala naman ang state weather bureau ng malalakas na pag-ulan hanggang sa 200 millimeters sa mga lalawigan ng Zambales, Bataan, Pangasinan, Tarlac, Pampanga, at Batangas hanggang sa Lunes ng hapon.

May storm surge alert din sa mga baybaying bayan ng Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan, Batangas, Cavite, at Occidental Mindoro.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit 22,000 katao, karamihan mula sa rehiyon ng Bicol, ang lumikas bilang paghahanda sa epekto ng bagyo.