CAUAYAN CITY – Itinaas na sa red alert status ang mga ahensiya ng pamahalaan sa Isabela bilang paghahanda sa inaasahang pagtama ng Bagyong Pepito.
Kaugnay nito, nagsagawa na rin ng emergency meeting ang mga pinuno at miyembro ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) at tinalakay ang paghahanda ng mga ahensiya ng pamahalaan sa magiging epekto ng bagyo sa Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay ret. Gen Jimmy Rivera, Provincial Disaster Risk Reduction Management Council Officer (PDRRMO), sinabi niya na batay sa inilabas na forecast ng PAGASA, ang track ng Bagyong Pepito ay katulad sa track ng Bagyong Lawin noon.
Ayon kay Rivera, dahil sa mga pag-ulan na dulot ng La Niña phenomenon at Bagyong Pepito ay pinapayuhan ang mga mamamayan na maging handa sa posibleng pagbaha sa mga mabababang lugar at pagguho ng lupa sa mga nakatira malapit sa mga bundok.
Hiniling niya sa mga mamamayan na maging alerto sa pagtama ng bagyo at ihanda ang mga pangunahing kailangan tulad ng pagkain.
Ayon pa kay Ret. Gen Rivera, nakahanda na ang mga relief goods na ipamamahagi sa mga residente na maaring maapektuhan ng bagyo at kung may mga gagawing paglikas.
Ipinapatupad na rin ang liquor ban sa buong lalawigan at mahigpit nang ipinagbabawal ang paglayag ng mga maliliit na bangka sa bahagi ng mga coastal towns dahil sa mga matataas na alon sa karagatan.