Binatikos ni Senador Risa Hontiveros ang pag-uugnay sa mga minority senator sa likod ng tangkang pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa isang pahayag, nilinaw ni Hontiveros na wala na sa complex ng Senado ang mga minority senator, pati na ang kanilang staff at mga empleyado, nang mangyari ang serye ng putukan nitong Miyerkules ng gabi dahil tapos na ang sesyon.
Ipinaliwanag din ng senadora, siya ay umalis na sa Senado dahil sa isang naka-iskedyul na conference sa probinsya.
Kaugnay nito, mariin niyang sinabi na huwag gamitin sa pamumulitika ang pag-uwi ng mga empleyado ng Senado na tapat na ginagampanan ang kanilang trabaho.
Ikinalungkot din ni Hontiveros ang insidente ng pamamaril sa Senado, na inilarawan niya bilang “The People’s House.”
Aniya, ang institusyon kung saan ginagawa ang mga batas at dinedepensahan ang mga karapatan ay naging tila isang “shooting range,” na nagdungis sa tiwala ng publiko.
Nanawagan din si Hontiveros kay Senador Dela Rosa na makipagtulungan sa mga awtoridad kaugnay ng kaniyang warrant upang maiwasan na ang karahasan at tensyon sa loob at labas ng Senado.
















