Kinumpirma ng Department of Justice na sila’y nag-isyu na ng Immigration Lookout Bulletin Order laban kay Sen. Bato Dela Rosa.
Sa naganap na pulong balitaan, ibinahagi mismo ni Justice Secretary Fredderick Vida ang patungkol sa naturang kautusan alinsunod sa umiiral nang ‘arrest warrant’ mula sa International Criminal Court.
Ayon sa kalihim, layon sa inisyung direktiba na bantayan ang naturang senador sa magiging tangkang pag-alis man nito sa Pilipinas tungo ibang bansa.
Aniya’y sakaling sumubok itong lumipad papalabas ng teritoryo ng bansa, agaran raw itong ipapaaresto sa mga awtoridad.
Alinsunod dito’y kanyang sinabi na ipinag-utos na rin sa lahat ng mga alagad ng batas o ‘law enforcement agencies’ ang kadyat na pag-aresto kay Sen. Dela Rosa sa oras magtangkang tumakas sa Pilipinas.
Binalaan si Sen. Bato na ituturing bilang pangungutya o ‘mockery of justice’ kung ang mambabatas ay susubok na umalis ng Pilipinas kasabay sa kinakaharap na warrant mula sa International Criminal Court.
Kanyang binigyang diin na ang gawain ito ay magtutulak sa kanila para tuluyan isagawa ang pag-aresto sa naturang senador.
Kinikilala naman ng Department of Justice ang Kataas-taasang Hukuman bilang ‘final arbiter’ para bigyang linaw ang mga isyu patungkol sa usapin proseso ng International Criminal Court.
Samantala sa pagtatanong ng Bombo Radyo sa kalihim, naniniwala si Justice Sec. Vida na sapat naman ang inisyung Immigration Lookout Bulletin Order kumpara sa mas mabigat na kautusan tulad ng Hold Departure Order.
Maari pa rin aniyang maisagawa ang pag-aresto kahit pa ‘immigration lookout’ lamang sapagkat sa oras na siya’y ma-hold sa Immigration, agad itong itatawag sa mga awtoridad para arestuhin ang mambabatas.
Si Sen. Bato Dela Rosa ay nahaharap sa kasong ‘Crimes Against Humanity’ sa International Criminal Court.
Siya’y isa sa mga Co-Perpetrator ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapatupad ng programang ‘War on Drugs’ ng nakaraang administrasyon.















