-- Advertisements --

Matinding ulan at pagbaha ang nagbabanta sa katimugang Tsina matapos tumama ang Bagyong Noul sa Guangdong nitong Linggo.

Ayon sa mga ulat ng mga lokal na otoridad, mahigit 800,000 katao ang inilikas sa probinsya habang higit 350 flights ang nakansela sa Hong Kong, kung saan mahigit 20 katao ang nasugatan dahil sa malakas na hangin at ulan.

Tumama ang bagyo sa baybayin ng Huidong County bandang 3:50 a.m., dala ang malakas na hangin at matinding pag-ulan.

Naglabas ng pulang babala sa flash floods ang China Meteorological Administration para sa mga probinsya ng Jiangxi, Hunan, Guangdong, Sichuan, Shaanxi, Gansu, at southeastern Xinjiang.

Inaasahan ang patuloy na pagbuhos ng ulan hanggang Martes, na magdudulot ng panganib ng pagbaha at landslide sa mga bulubunduking lugar at tabing-ilog.

Bagamat humina na si Noul sa tropical storm habang papasok sa inland, nananatiling mataas ang panganib sa mga apektadong probinsya.

Naglaan ang pamahalaan ng 100 milyong yuan o katumbas ng P820-M para sa relief at rehabilitasyon sa Guangdong. Patuloy namang nagbabalik ang operasyon sa paliparan ng Hong Kong matapos ang higit 12 oras na suspensyon.

Ang Bagyong Noul na dating bagyong Kiyapo sa Pilipinas ay isa sa pinakamalakas na tumama sa China ngayong taon, na nagdulot ng malawakang paglikas, pagkansela ng mga biyahe, at matinding panganib ng pagbaha.