Malaki umano ang posibilidad na sa buwan ng Agosto na mangyayari ang pagbubukas ng school year 2020-2021 sa elementary at high school level.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, ito ay batay sa ginawa nilang konsultasyon sa kanilang mga stakeholders sa buong bansa.
Hinihingi umano kasi ng batas na magsimula ang mga klase sa pagitan ng Hunyo hanggang huling araw ng Agosto.
“So ‘yun ang window namin. Pero mukhang ang trend na lumalabas is really for August,” dagdag ni Briones.
Sa kabila nito, gusto ng DepEd na magtapos ang school year sa orihinal na schedule.
“Ang concern namin, gusto naming matapos din by March. But at the same time, mag-comply ng number of days na hinihingi ng batas para matuto ang mga estudyante,” saad nito.
Kaya naman, pag-aaralan din ng kagawaran ang posibilidad ng implementasyon ng Saturday “stay-at-home” classes.
“Kino-consider namin ang possibility, for example, of Saturday classes, pero hindi iyong mga face-to-face classes. They can do their work at home,” anang kalihim.
Pero nilinaw ni Briones na nakadepende pa rin sa rekomendasyon ng inter-agency task force at sa magiging pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tungkol sa pagbubukas ng klase.
“Kung ano man ang rekomendasyon ng IATF at desisyon ng presidente… may influence ito kung kailan magbukas ang klase,” wika ni Briones.