Pormal nang nanumpa bilang bagong Chairman ng Energy Regulatory Commission (ERC) si Atty. Francis Saturnino Juan ngayong Agosto 8 kung saan nangako ito na magiging “firm but fair” sa pagpapatupad ng mga patakaran, lalo na sa usapin ng kapakanan ng mga konsyumer ng kuryente.
Pinalitan ni Juan si Atty. Monalisa Dimalanta na nanungkulan sa ahensya ng apat na taon.
Ipinahayag din ng bagong ERC chief ang intensyon nitong baguhin ang proseso sa pagtatakda ng distribution wheeling rates (RDWR) para sa mga pribadong distribution utilities, na mahigit 10 taon nang hindi na-reset.
Bilang bahagi ng reporma, iminungkahi rin niya ang agarang pagresolba ng mga aplikasyon at mosyon pagkatapos ng mga hearing, upang mapabilis ang desisyon ng ERC at maiwasan ang matagal na pagkaantala.
Samantala dadaan pa sa pampublikong konsultasyon ang mga naturang panukala para maging patas sa mga konsyumer.