Isinalang na sa inquest proceedings sa City Prosecutor ng Mandaluyong City ang suspek na inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa illegal practice of medicine.
Ayon kay NBI OIC Director Eric Distor ang suspek na nahuli ng NBI-Special Action Unit (NBI-SAU) ay kinilalang si Gerlon Sadsad.
Humaharap si Sadsad sa kasong paglabag sa RA 2382 o ang The Medical Act of 1959 at Estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code.
Una rito, nagsagawa raw ang subject ng hindi matagumpay na injection treatment na nagresulta sa inflammation at discoloration sa area kung saan ininject ang gamot.
Nagsagawa rin umano ang suspek ng kasunod na treatment sa complainant para matanggal ang pamamaga at discoloration pero wala naman umanong improvement sa kondisyon ng complainant.
Nang beripikahin sa Professional Regulation Commission (PRC), lumabas na wala palang lisensiya o authority to practice medicine ang suspek.
Dahil dito, agad nagsagawa ng entrapment operation ang NBI sa araw ng follow up treatment sa pamamaga at discoloration ng biktima.
Nahuli ito sa Tivoli Garden Residences, Mandaluyong City.
Kasamang nasabat ng mga otoridad ang mga nagamit at hindi pa nagamit na mga hiringgilya, needles at topical anesthesia, 0.9 percent sodium chloride, wooden spatula, alcohol swabs, kitchen wrap, gauze pad at underpants.