-- Advertisements --

Itinuturing ng Australian Defence Force (ADF) bilang malaking oportunidad ang katatapos na Alon Exercises 2025 para mapagbuti ang kapabilidad at koneksyon nito sa Armed Forces of the Philippines.

Ayon kay Australian Deputy Theater Commander, MGen. Paul Kenny, nagkaroon ng pagkakataon ang ADF para matukoy ang mga sektor sa military alliance ng dalawang bansa na nangangailangan pang linangin.

Sa 2025 simulation, nagawa aniya ng dalawang militar na palawakin ang saklaw ng simulation mula noong nauna nitong pagsasanay noong 2023.

Kabilang dito ang deployment ng ADF Joint Task Force Headquarters sa Philippines upang direktang magkaroon ng connection sa Western Command Headquarters ng AFP sa Palawan. Ito ang unang pagkakataon na ito ay mangyari.

Ayon sa 2-Star Australian general, itinuturing ng ADF na magandang pagkakataon ang naturang simulation upang mapatatag ang relasyon nito sa Pilipinas, sa kabila ng malaking distasya sa pagitan ng dalawang bansa.

Para kay AFP Education, Training and Doctrine Command Commander, Major General Francisco F. Lorenzo Jr. isang malaking hamon sa ginawang simulation ang paghahanay at synchronization sa galaw ng dalawang militar.

Ito aniya ang nagpapahirap sa execution ng bawat military activity, sa gitna ng pagnanais nilang magkaroon ng maayos na resulta ng simulation.

Para kay MGen. Kenny, malaking hamon din ang pabago-bagong weather system sa bansa, lalo na sa western seaboard, kung saan pangunahing isinagawa ang Alonb 2025.

Gayonpaman, iginiit ng Australian general na nagawa nilang harapin ang bawat hamon at mapagtagumpayan ang ilang araw na military exercises.

Ang 2025 Alon ang pinakamalaking military exercise sa pagitan ng Pilipinas at Austrlia na sumentro sa amphibious operations, naval and air interoperability drills, maritime security operations, at combined live-fire exercises na isinagawa sa iba’t-ibang lokasyon tulad ng Palawan, Nueva Ecija, at sa mga katubigang saklaw ng WPS.