Pinawi ng Malacanang ang pangamba ng mga labis na maaapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ) na paiiralin, simula sa Lunes, Marso 29, 2021.
Ayon kay Presidential spokesperson Sec. Harry Roque, makakatanggap ng pinansiyal na tulong ang mga mamamayan na nasa ilalim ng panibagong paghihigpit.
Pero hindi pa maianunsyo ng palasyo kung magkano ang ibibigay sa kada tao o bawat pamilya mula sa nakalaang ayuda ng pamahalaam.
Sakop nito ang Metro Manila, Laguna, Cavite, Bulacan at Rizal.
Pero agad nilinaw ng opisyal na hindi subsidiya ang ipagkakaloob kundi tulong lamang sa mga hindi makakapaghanap buhay sa loob ng panahon na may ECQ.
Wika Roque, naiintindihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang epekto ng mas mahigpit na community quarantine sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.
Nitong mga nakalipas na araw, mahigit 9,000 ang nadaragdag na bilang kada araw ng mga nagpopositibo sa deadly virus.