-- Advertisements --

Inirekumenda ng international law expert na si Atty. Ralph Sarmiento ang agarang pakikipag-ugnayan ng Philippine government sa French authorities kasunod ng paglabas ng impormasyon na nag-apply si Zaldy Co ng asylum sa France.

Maalalang bigo ang special team na maabutan si Co sa kostudiya ng Czech Republic authorities kasunod ng ulat na naharang siya ng immigration kamakailan.

Kinalaunan, iniulat ng Palasyo na may pending asylum application si Co sa France.

Giit ni Sarmiento, dapat agad na itong beripikahin ng gobiyerno at makipag-ugnayan sa French government upang harangin ang request.

Mahalaga aniyang maipakita ng gobiyerno na walang basehan ang asylum application ni Co dahil walang nangyayaring political persecution sa kaniya dito sa Pilipinas.

Dapat din aniyang ipakita ng Pilipinas na walang banta sa buhay ni Co at sa halip ay hinahabol lang siya ng pamahalaan upang panagutin sa pagkakasangkot sa mga serye ng korapsyon dito sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan ay hindi pa malinaw kung saang bansa naroon si Zaldy Co, kasunod ng ilang buwan niyang pananatili sa ibang bansa mula noong umalis sa Pilipinas noong kalagitnaan 3rd quarter ng 2025.