Sinira ng Philippine National Police (PNP) ang mahigit P43 milyong halaga ng mga tanim at produktong marijuana sa isinagawang serye ng operasyon sa Cordillera Administrative Region (CAR) mula Abril 26 hanggang Mayo 2.
Ayon sa PNP, umabot sa 18 marijuana eradication operations ang isinagawa sa loob ng isang linggo, na nagresulta sa pagkasira ng tinatayang P43.679 million halaga ng ilegal na droga.
Karamihan sa mga operasyon ay isinagawa sa Benguet, habang may mga katulad na operasyon din sa Kalinga at Mountain Province.
Sa kabuuan, 183,034 fully grown marijuana plants, 84,000 seedlings, at 30,940 gramo ng pinatuyong dahon at fruiting tops ang winasak.
Pinakamataas ang naitalang halaga ng nasirang marijuana sa Mountain Province na umabot sa P31.36 milyon, sinundan ng Benguet na may P10.71 milyon at Kalinga na may P1.6 milyon.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., ipinapakita ng mga operasyong ito ang matibay na kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga.
















