Ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ang inihaing petisyon para atasan ang Senado na agaran magpulong bilang ‘impeachment court’ upang litisin si Vice President Sara Duterte.
Sa naganap na En Banc Session ng Korte Suprema, isinantabi ang ‘petition for mandamus’ ni Catalino Generillo Jr. at sinabing hindi tamang remedyo ito sa layon maipatupad ang isang malinaw namang legal na tungkulin.
Batay sa desisyon ng korte, hindi maaring kontrolin ng Hudikatura sa pamamagitan ng ‘mandamus’ ang gagawing aksyon ng Senado sa loob ng sarili nitong saklaw.
Labas anila sa kapangyarihan ng Korte Suprema, bilang kapantay na constitutional body, na suriin ang pagganap ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa tungkulin nito.
Maliban na lamang raw kung nagkaroon ng ‘grave abuse of discretion’ sa parte o aksyon ng Senado.
Sa kabila nito’y inaksyunan pa rin ng Kataas-taasang Hukuman ang petisyon at pinag-aralan kung may nilabag sa batas ang Senado nang hindi agaran magpulong bilang isang ‘impeachment court’ habang nasa session break.
Ayon sa Korte Suprema, kumilos naman ang Senado at napatunayan na umaksyon sa reklamong impeachment sa tamang panahon.
Dito nilinaw ng Kataas-taasang Hukuman na ang salitang ‘forthwith’ batay sa konstitusyon ay nangangahulugang sa loob ng makatuwirang panahon, na maaring mas mahaba o mas maikli depende sa mga pangyayari ng kaso.
Habang itinuring naman ang petisyon bilang ‘moot’ dahil nakapaghanda ang Senado sa impeachment at ipinawalang bisa ng Korte Suprema ang ‘Articles of Impeachment’ laban sa ikalawang pangulo noong 2025 at resolusyon nitong Enero 2026.
















