-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 ang kakaharapin ni Rey George Burdeos, 54-anyos, matapos itong mahuli pasado alas-8:20 kagabi sa South Montilla Boulevard ng Purok 4, Brgy. Diego Silang nitong lungsod ng Butuan sa isinagawang drug buy bust operation.

Ito’y pinangungunahan ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Caraga, Butuan City Police Station 1 at Dinagat Island Police Provincial Office.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni PDEA-Caraga spokesman Dindo Abellanosa na nahuli na nitong Oktubre 16, 2020 ang suspek sa operasyong isinagawa sa isang drug den sa Purok 2, Brgy. San Ignacio nito ring lungsod kungsaan kinasuhan siya ng paglabag ng Sections 7 at 12 sa RA 9165 kungsaan temporaryo siyang napalaya matapos makapagpyansa.

Kagabi nakuha mula sa kanyang posisyon ang isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng 2-libong piso, isang medium sized rin ng nasabing drug at 2 maliliit na sachets na tinatayang may timbang na 6.39-gramos at nagkakahalaga ng P36,000.00.

Narekober mula sa kanya ang buy bust money at dalawang cell phones na posibleng syang ginamit ng suspek sa pakikipag-transaksyon nito sa kanilang mga undercover agents.