Inumpisahan na ng aktres na si Arci Muñoz ang kanyang training bilang isang reservist ng Philippine Air Force (PAF).

Ibinahagi ni Muñoz noong Independence Day ang kanyang mga larawan habang nasa pagsasanay.

Sa kanyang Instagram post, sinabi ni Muñoz na siya ang kauna-unahang babaeng aktres sa kanyang henerasyon na sumailalim sa Basic Citizen Military Training ng PAF.

Hinikayat din ng 31-year-old actress ang iba pang mga kababaihan na magpa-enlist para sa military training.

Saad sa caption: “Ngayon araw din ang aking unang pisikal na pagsasanay bilang kaunaunahang Babae sa aking henerasyon at propesyon na sumasailalim sa #philippineairforce reservist BCMT- Basic Citizen Military Training.

“Hinihikayat ko po ang aking mga kapwa kababaihan na mag enlist.

“Marami pong salamat sa aking Philippine air force family. Asahan nyo po ang aking buong pusong dedikasyon at serbisyo. #happyindependenceday #paf #military #pilipinashukbonghimpapawid”

Makikita rin sa ibang mga larawan na sumabak sa hand-gun training si Arci.

Kasama rin sa training ang aktor ding si JM de Guzman, na sinimulan ang kanyang reservist training noong Marso.

Matatandaan na ilan din sa mga celebrities na bahagi ng AFP reserve ay sina Matteo Guidicelli, Ronnie Liang, Dingdong Dantes, Rocco Nacino, Kiko Estrada, Ejay Falcon, at marami pang iba.