-- Advertisements --

Tiniyak ng Malacañang na hindi kailanman isasantabi ng Duterte administration ang Permanent Court of Arbitration (PCA) ruling kapalit ng joint oil exploration sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.

Ginawa ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang pahayag kasunod ng naging pag-amin ni Pangulong Rodrigo Duterte na sinabihan siya ni Chinese President Xi Jinping na isantabi muna ang arbitral ruling para maisagawa ang joint exploration.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, ang naturang award mula sa PCA ay final, binding at “forever” kaya hindi ito maaaring isantabi at balewalain.

Ayon kay Sec. Panelo, ang problema lamang ay kung paano maipatupad dahil hindi naman ito kinikilala ng China at kailangan ng pwersa para mapaalis ang mga Chinese vessels sa mga teritoryong inaangkin ng China na pag-aari dapat ng Pilipinas gaya sa Scarborough Shoal.

Paglilinaw pa ni Sec. Panelo, ang joint exploration ay hiwalay na usapin sa arbitral ruling at patuloy pa ang ginagawang pag-aaral ng magkabilang komiteng binuo kung paano ito isagawa.

Ang 60-40 hatian sa makukuhang langis o yamang mineral at kung saan ito isasagawa ay hindi rin pinal pa at bahagi ito ng pinag-aaralan.

Inihayag ni Sec. Panelo na si Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin ang point-man ni Pangulong Duterte sa nasabing negosasyon.