Pinayuhan ni Miss Universe Philippines (MUPH) National Director Ariella “Ara” Arida ang mga kandidata ng 2026 pageant na huwag pabayaan ang kanilang tulog sa gitna ng kanilang abalang iskedyul.
Sa isang panayam, iginiit ni Ara na mahalaga ang sapat na tulog upang mapanatili ang kalusugan, mabawasan ang stress, at mailabas ang natural na ganda ng bawat kandidata.
Ayon sa kanya, ang “glow” na hinahanap sa mga beauty queen ay hindi lamang nakukuha sa makeup kundi nagsisimula mismo sa maayos na pangangalaga sa katawan lalo na sa pagtulog.
Inamin din ni Ara na noong siya ay mas bata pa at aktibong sumasali sa mga pageant, hindi niya gaanong binibigyang-halaga ang pagtulog dahil sa paniniwalang sapat ang kanyang energy. Dahil dito, nais niyang matuto ang kasalukuyang mga kalahok at gawing prayoridad ang pahinga habang maaga.
Ibinahagi rin niya na malaki na ang naitulong ng makabagong teknolohiya ngayon, tulad ng AI-powered sleep systems, upang matulungan ang mga tao na makatulog nang mas maayos.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na simple ngunit epektibong hakbang pa rin ang pag-iwas sa paggamit ng cellphone bago matulog, dahil nakaaapekto ito sa sleeping pattern.
Sa kasalukuyan, abala ang 51 kandidata sa iba’t ibang aktibidad tulad ng swimsuit competition sa Boracay at mga pagbisita sa iba’t ibang lugar, kabilang ang Misamis Occidental.
Aminado rin ang beauty queen na hindi maiiwasan ang kakulangan sa oras ng tulog, ngunit hinikayat niya ang mga kandidata na tiyaking malalim at dekalidad ang kanilang pahinga.
Samantala, nakatakda ang coronation night ng MUPH 2026 sa Mayo 1 sa isang sikat na mall sa Pasay City, kung saan ipapasa ng reigning queen na si Ahtisa Manalo ang korona sa susunod na mananalo.
















