Mariing itinanggi ng Filipino-German beauty queen na si Imelda Schweighart ang mga kumakalat na ulat na siya umano ay tinanggal sa Miss Universe Philippines (MUPH) 2026 bilang candidate dahil sa umano’y isyu ng pambu-bully.
Ilang buwan bago naiulat ang isyu muling lumabas ang intriga matapos ilabas ang kanyang introduction video bilang isa sa mga kinatawan ng Pilipinas sa Miss Grand International All Stars.
Umani ito ng halo-halong reaksyon mula sa mga pageant fans kung saan may mga sumusuporta, ngunit mayroon ding nagdududa sa kanyang kredibilidad.
Sa isang komento na nag-aakusa sa kanya ng pambubully at pagkakatanggal sa MUPH, diretsahang sumagot si Schweighart at tinawag itong “fake news,” sabay hikayat na ituon na lamang ang atensyon sa mas makabuluhang bagay.
Matatandaang noong Marso ay inanunsyo ng MUPH na may isang kandidata na hindi na papayagang magpatuloy sa kompetisyon, ngunit hindi pinangalanan kung sino ito.
Si Schweighart, na kumakatawan noon sana sa Kalibo, Aklan, ay nagbahagi rin ng mensahe tungkol sa pagtatapos ng kanyang experience sa kanyang pageant journey.
Sa kabila ng kontrobersiya, napili si Schweighart bilang isa sa mga kinatawan ng bansa sa MGI All Stars, kasama sina Fuschia Ravena, Gazini Ganados, Alexia Nuñez, at Keylyn Trajano.
















