Tila hindi narin nakatiis ang drag artist at TV personality na si Marina Summers kaugnay ng mga natanggap niyang pambabatikos at hate messages matapos niyang mag-host sa Miss Universe Philippines 2026.
Sa isang pahayag sinabi ni Marina, na isang malaking milestone sa kanyang career ang pagiging host ng pageant, ngunit aminado siyang inaasahan na rin niya ang iba’t ibang reaksyon at posibleng pagtutol mula sa publiko.
Kasunod ito ng naging pahayag ng kapwa niya drag artist at trans woman na si Angel Galang, na naging kritikal sa performance ni Marina sa nasabing hosting stint. Dahil dito, si Angel ay nakatanggap din ng mga pambabatikos mula sa ilang netizens.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Marina na bagama’t nasaktan siya sa naging pahayag ni Angel, hindi niya kinukunsinti ang anumang uri ng paninira, poot, at harassment na ibinabato rito. Giit ni Marina na hindi dapat gamitin ang anumang isyu bilang dahilan para siraan ang kapwa.
Ibinahagi rin ni Marina na hindi niya inaasahan ang dami ng natanggap niyang transphobia, hate speech, at maging mga banta sa buhay, kasama na ang pagkondena ng ilan sa kanyang kaibigan na si Angel.
Ayon sa kanya, kailangang tumigil ang ganitong uri ng pag-atake at hindi ito sumasalamin sa mga ipinaglalaban ng LGBTQ+ community.
Nilinaw din niya na naayos na nila ni Angel ang kanilang hindi pagkakaunawaan matapos silang magkausap in private, at hiniling niya sa publiko na bigyan ito ng espasyo at pag-unawa.
Nagpasalamat din si Marina sa mga patuloy na sumusuporta sa kanila at nagpaalala na pairalin ang respeto, kabutihan, at pag-unawa sa isa’t isa.














