-- Advertisements --

Maagang lumipad mula Maynila patungong Misamis Occidental ang 50 delegado ng Miss Universe Philippines (MUPH) 2026, para sa isang week-long provincial tour na layong ipakita ang likas na yaman at turismo ng Northern Mindanao.

Ayon sa mga organizers, ang biyahe ay naging pagkakataon upang masilayan ng mga kandidata ang mga “hidden gems” ng lalawigan mga tanawin at pasyalan na madalas hindi pa gaanong kilala sa mga lokal at dayuhang turista.

Unang pinuntahan ng mga delegado ang Asenso Misamis Occidental Recreation and Adventure Park sa Sinacaban, na tampok ang malawak na mangrove forest at mga over-the-water villas na hango sa disenyo ng Maldives.

Dumiretso rin sila sa Sapang Dalaga kung saan nasilayan ang Sapang Dalaga Falls, ang Christ the Redeemer statue sa Caluya Shrine, at ang Caluya Floating Cottages. Kasama rin sa itinerary ang Asenso Global Gardens sa Tangub City.

Sa Don Victoriano, na kilala bilang “Summer Capital of Misamis Occidental,” sinubukan ng ilang kandidata ang tradisyonal na Subanen attire sa Lake Duminagat bago tumungo sa Piduan Falls.

May hiwa-hiwalay ding grupo na naglakbay sa iba’t ibang lugar gaya ng Baobawon Boardwalk sa Plaridel, U-River at Bless Amare sa Baliangao, at Siloy Man-made Lake sa Calamba.

Isang grupo naman ang bumisita sa Sperm Island sa Jimenez, gayundin sa Saint John the Baptist Church, isang heritage church sa parehong bayan. Kasunod nito ang Kenjelo Farm sa Oroquieta City at Tudela Highland Resort and Eco Park sa Tudela.

Isa pang grupo ang nagtungo sa Asenso Wellness Park, Cotta Shrine at Cotta Fort sa Ozamiz City, pati na rin sa mga pasilidad pangkalusugan gaya ng Misamis Occidental Provincial Hospital at Asenso Misamis Occidental Medical City sa Oroquieta City.

Sa bawat destinasyong pinuntahan, mainit ang naging pagtanggap ng mga Misamisnon sa mga kandidata. Lalong naging makulay ang “Parade of Beauty” kung saan dinumog ng mga tao ang mga ruta sa Sinacaban, Clarin, Tudela, at Ozamiz City.

Isang special dinner event din ang inihanda ng Tangub City sa People’s Gym bilang pagpapakita ng suporta sa mga delegado.

Mananatili ang mga kandidata sa Misamis Occidental sa loob ng isang linggo, na magtatapos sa pag-anunsyo ng Top 10 semifinalists sa “The Main Event” na gaganapin sa Bayfront Arena sa Sabado, Abril 25.