Mariing itinanggi ni House appropriations committee chairman Rep. Zaldy Co ang akusasyon na ang tulong para sa mga ” near-poor”, low income families na tinawag na Ayuda para sa Kapos ang Kita (AKAP) Program ay ginagamit para sa pagsusulong ng charter change sa pamamagitan ng pagkuha ng mga pirma.
Ito ang pahayag ni Rep. Co sa naging alegasyon ni Senator Imee Marcos hinggil sa umano’y maling pagamit ng pondo na inilaan ng Congress para sa AKAP beneficiaries kabilang dito ang mga construction workers, factory workers, grab drivers, food service crew at iba pa.
Inihayag ni Co na ang AKAP Program ay naka disensyo na magbibigay ng one-time P5,000 cash assistance sa mga pamilyang Filipino na apektado ng global inflation at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa ilalim ng 2024 budget, ang AKAP ay mayruong P50 billion pondo na ibibigay sa mga pamilyang may buwanang kita na P23,000.
Ang mga ito kasi ay hindi kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) dahil sa kanilang income bracket.
Banat ni Co, dinudungisan ni Senador Imee Marcos ang malinis na intensyon ng AKAP na tulungan ang mga kababayan nating may trabaho ngunit kapos ang kita.
Giit pa ng Kongresista taumbayan na ang bahalang humusga sa kanyang pamumulitika sa isang programang pantulong sa mahirap.