CAGAYAN DE ORO CITY – Maapektuhan umano ang malawakang kampanya laban sa coronavirus disease pandemic sa 23 munisipyo at dalawang component cities sa Misamis Oriental.
Ito ay matapos kinatigan ni Regional Trial Court Branch 24 Presiding Judge Henry Damasing ang inihain na reklalamo ng opposition members ng Sangguniang Panlalawigan upang ipatigil ang pagpatupad nang aprubadong 2020 provincial budget ni Misamis Oriental Gov Bambi Emano.
Sa panayam ng Bombo Radyo, nakahanda naman daw sila na sumunod sa ipinag-utos na 20 araw na temporary restraining order ng korte subalit magigipit din ang kanilang paglaban sa pandemya bunsod sa kawalan ng magagamit na pondo.
Inihayag ni Emano na hindi problema na gigipitin siya ng kanyang mga katunggali sa politika subalit ipinagpaliban lamang sana ito dahil sa nasa malaking krisis ang bansa.
Una nito, iginiit ni Misamis Oriental Vice Gov Jigjag Pelaez na ipinapatigil muna nila ang implementasyon dahil mayroong ilang pinaglaanan ng pondo na hindi malinaw at para na rin makaiwas ng anumang kaso na kakaharapin.
Una ring binawasan ng mga miyembro ng mayoriya sa SP na kaalyado ni Emano ang multi-million budget na matagal nang inilaan para sa tanggapan ng bise-gobernador.