-- Advertisements --

CEBU CITY – Napakataas umano ng lebel ng disaster preparedness at awareness ng Japan kaugnay na rin ng pananalasa ng supertyphoon Hagibis.

Ito ang pahayag ni Cebu City Coun. Dave Tumulak, chairman ng committee ng public safety, na nasa Japan ngayon matapos dumalo sa isang disaster preparedness and awareness training.

Ayon kay Tumulak, namangha siya sa disiplina ng mga tao at sa batas na ipinatutupad ng Japanese government.

Lahat umano ng tao roon ay kinakailangang mag-install ng mobile application na magbibigay sa kanila ng mga update tuwing may kalamidad.

Nakalagay na rin sa nasabing app kung saan lilikas ang mga residente depende kung saan sila nakatira.

Libre rin umano ang mga vending machines sa panahon ng sakuna.

Advance din ang preparasyon ng mga tao at hindi na ito maghihintay pa ng advisory mula sa government.

Kaya naman, sinabi ni Tumulak na mas mainam na gayahin ng Pilipinas ang sistema ng Japan kung saan, mismong ang mga tao ang kusang gagawa ng paraan at susunod talaga sa mga panuntunan.

Isang kakulangan naman ang naobserbahan ni Tumulak, kaugnay sa awareness ng mga dayuhang gaya niya dahil puro Japanese characters ang gamit sa lahat ng advisory.