Nagbabala si Taiwanese President Lai Ching-te sa mga bansa sa Indo-Pacific Region na maaaring maging sunod na target ng China sakaling masakop ang kanilang teritoryo.
Sa isang panayam sa Presidential Office Building sa Taipei, sinabi ni Lai na kapag naging annex ng China ang Taiwan, hindi titigil dito ang pagpapalawak pa ng mga ambisyon ng China.
Inilahad ni Lai na ang sunod na mga bansang maaaring malagay sa banta ay ang Japan, Pilipinas at iba pang bansa sa rehiyon, na maaaring lumawak umano ang epekto sa Americas at Europe.
Kamakailan din aniya’y pinagtatanggal ang Chinese generals mula sa military ng China, na isang hindi pangkaraniwang sitwasyon. Sa kabila nito ay hindi natitinag ang Taiwan at patuloy sa kanilang paghahanda.
Matatandaan, nauna nang nagbabala si Chinese President Xi Jinping sa Amerika laban sa pagbebenta ng mga armas sa Taiwan subalit sinabi ni Lai na titindig ang US sa Taiwan at hindi ito gagamiting “bargaining chip” sa China.
















