CAGAYAN DE ORO CITY – Matinding perwisyo ang dulot nga ammonia leak sa bahagi ng Purok-6 Barangay Puerto, lungsod ng Cagayan de Oro.
Batay sa inisyal na imbestigayson ng Puerto Police Station, bahagyang nagkagulo ang mga tauhan ng Puerto Ice Plant ganap alas 10 ng gabi nitong Lunes, at napabayaang magleak ang liquid ammonia na ginagamit ng planta sa pagpapatigas ng yelo.
Sa tindi ng umaalingasaw na amoy, maluha-luhang nagreklamo sa pinakamalapit na police station si ginang Via Calibjo.
Sinabi Police Master Sergeant Ryan Sevellino na natanggap nila ang report matapos magpanic at nagsilabasan sa kanilang bahay ang mahigit isang daang residente na naninirahan malapit sa ice plant.
Nakaramdam ng pananakit sa mata, pangangati sa balat ang ilang mga matatanda at mga bata sa lugar.
Maging ang rumespondeng mga pulis ay hindi nakayanang lumabas sa kanilang patrol car dahil sa mabahong amoy.
Nakapasok lang mga operatiba sa ice plant ng magbigay clearance ang tauhan ng ice plant.
Inihayag ni Sevellino na wala silang natanggap na ulat ng mga taong na-confine sa pagamutan matapos umabot sa halos limang oras ang pagkalat ng amoy ng ammonia.
Sa ngayon, makikipag-ugnayan ang investigating team ng pulisya sa ahensya ng Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau o DENR-EMB kung anong kaukulang kaso ang isasampa laban sa nasabing kompanya.
Ang liquid ammonia ay isa uri ng kemikal kung saan ginagamit ito bilang refrigirant sa mga ice plants o pampatigas ng yelo.