-- Advertisements --

Inanunsyo ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nakakuha ito ng karagdagang freeze orders para sa P3.9 billion halaga ng ari-arian na konektado sa isang mataas na opisyal ng isang independent constitutional body at isang dating opisyal, kaugnay ng umano’y anumalya sa mga flood control projects ng pamahalaan.

Saklaw ng freeze order ang 230 bank accounts, 15 insurance policies, dalawang helicopter, at isang eroplano. Ayon sa AMLC, ang mga ito ay may kaugnayan sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Malversation of Public Funds.

Sinabi din ni AMLC Executive Director Matthew David na makatutulong ang freeze orders upang mas mapalawak ang imbestigasyon sa maaaring kasong ihain ng money laundering na konektado sa mga flood control scandal.

Tiniyak din ng ahensya na hahabulin nila ang lahat ng sangkot sa katiwalian ukol sa maling paggamit ng pondo ng bayan.

Sa kasalukuyan, umabot na sa P11.7 billion ang kabuuang halaga ng mga na-freeze na asset na may kinalaman sa katiwalian, kabilang ang 3,566 bank accounts, 198 insurance policies, 247 sasakyan, 178 real properties, at 16 e-wallet accounts.