Na-freeze na ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang kabuuang P5.2 bilyong halaga ng assets ng mga indibidwal at mga kompaniya na umano’y dawit sa maanomaliyang flood control projects.
Ayon kay AMLC Executive Director Matthew David, patuloy din nilang inaantay pa ang submission ng iba pang bank accounts at presyo ng iba pang ari-arian na na-freeze sa bisa ng anim na freeze orders mula sa Court of Appeals.
Bagamat hindi na ibinunyag ng AMLC official ang mga pangalan ng mga indibidwal o kompaniya na saklaw ng freeze orders, sinabi niyang kasama dito ang ilang dating opsiyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mga kontraktor at kanilang mga kasabwat sa korapsiyon sa flood control projects.
Sa ngayon, na-freeze na ng AMLC ang kabuuang 1,671 bank accounts, 58 insurance policies, 163 motor vehicles, 99 real properties, at 12 e-wallet accounts.
Ginawa ng opisyal ang pahayag kasabay ng paglagda ng isang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng AMLC at DPWH ngayong Huwebes, Oktubre 23.
Layunin ng MOA na ma-institutionalize ang pagbabahagi ng impormasyon at kolaborasyon sa pagitan ng dalawang ahensiya sa pag-imbestiga at pagtugon sa money laundering at kaugnay na financial crimes.