Kumpiyansa ang isang lider ng Kamara na maipadala na sa Commission on Election ang mga pagbabago sa economic charter bago mag-recess para sa Holy Week sa susunod na buwan ang Kongreso.
Ito ang binigyang-diin ni dating majority leader at Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II.
Sinabi ni Gonzales, sakaling maaprubahan ang panukala ng economic charter ng Kamara at Senado ay maipapadala na ito sa Comelec, sa halip na sa Tanggapan ng Pangulo, para sa pag-iskedyul ng isang plebisito para sa ratipikasyon ng mga tao.
Nilinaw ni Gonzalez, walang partisipasyon ang Pangulong Pang. Ferdinand Marcos Jr sa proseso ng pag-amyenda sa Konstitusyon.
Ginawa ng mga pinuno ng Kamara na magkaroon ng Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 bilang “exact replica” ng RBH No. 6 na nakabinbin ngayon sa Senado upang mapabilis ang proseso ng pagsasaalang-alang at pag-apruba sa mga mungkahing pagbabago sa Saligang Batas.
Sinabi ni Gonzales batay sa mga ulat na kaniyang nabasa nangako ang mga senador kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na kanilang aaprubahan ang RBH No. 6, bago ang Semana Santa.
Paliwanag naman ni Gonzales sa paghain ng Kamara sa RBH No. 7, ito ay para salubungin ang bersiyon ng Senado sakaling aprubahan ito at kung magkakasundo ay pagbobotohan ito bago ang Lenten Break at agad ipadala sa Comelec.
Sinabi ni Gonzales na dadaan ang RBH No. 7 sa normal na proseso ng pagsasabatas tulad ng isang panukalang batas.
Nilinaw naman ni Gonzalez na ang pagtalakay sa RBH No.7 ay isang normal na bill na dumadaan sa tatlong pagbasa.
Aniya, pagkatapos makumpleto ang deliberasyon ng Committee of the Whole, ang RBH No. 7 ay ire-refer sa plenaryo, kung saan ang huling pagboto ay magaganap.
Hindi na rin inaasahan ni Gonzales na magkaroon pa ng anumang pag-amyenda o pagbabago na ilalagay sa RBH No. 7 dahil napagdesisyunan ng Kamara na gawing “salamin” ang resolusyon ng RBH No. 7 ng Senado ng sa gayon wala ng disagrement sa pagitan na ng mga senador at miyembro ng Kamara, ng sa gayon hindi na maantala ang pag-apruba sa mga iminungkahing reporma sa economic charter.