-- Advertisements --

BACOLOD CITY — Patay ang isang ama makaraang hinampas ng kahoy ng kanyang tatlong anak dahil sa tangkang paggahasa umano nito sa kanyang pamangkin sa Sitio Tres Elis, Barangay Sag-ang, La Castellana, Negros Occidental.

Kinilala ang biktima na si Benjamin Gonzales Sr, 60-anyos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Capt. Ramel Bustamante, hepe ng La Castellana Municipal Police Station, inihayag nitong naabutan ng asawa ang ginagawa ng kanyang mister sa kanilang pamangkin sa kuwarto kaya kanyang sinita.

Kaagad ding humingi ng tulong ang misis sa kanilang mga anak na sina Adonis, 37-anyos; Andro, 26; at Benjamin Jr., 18.

Nagkaroon ng sagutan sa pagitan ng mag-aama kung saan itinanggi ng biktima ang akusasyon laban sa kanya.

Pinagtulungan ng magkakapatid na hampasin gamit ang kahoy ang kanilang ama na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Kusa namang sumuko sa mga otoridad ang tatlo.

Ayon kay Bustamante, hindi na magsasampa ng kaso ang mga tiyuhin laban sa magkakapatid dahil aminado naman sila sa pag-uugali ng kanilang kapatid.

Maliban dito, naaawa na rin sila sa misis ng kanilang kapatid na matagal nang nagtitiis dahil sinasaktan ito.