Target pala sana ni Alice Dixson na gumawa ng video blog (vlog) patungkol sa medical marijuana.
Paliwanag ito ng 51-year-old actress matapos lumikha ng kontrobersya ang pag-post niya ng larawan habang siya ay nasa cannabis farm, halos tatlong linggo na ang nakakaraan.
Ayon pa kay Dixson, sa Amerika kuha ang naturang larawan dahil alam naman nito na iligal sa Pilipinas ang paggamit ng marijuana.
Giit nito na layunin lamang ng kanyang vlogs ay makapagbahagi ng mahahalagang impormasyon hinggil sa healthy living lalo hindi pa tapos ang coronavirus pandemic sa bansa.
Nabatid na burado na ang contorversial marijuana farm tour photo nito, matapos umani ng hating reaksyon at binalaan pa ng ilan na baka raw puntiryahin ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Kung maaalala, nitong Hulyo nang idaan ng Binibining Pilipinas International 1986 sa kanyang video blog ang paglilinaw sa tinaguriang “taong ahas” urban legend na kanyang kinasangkutan habang nasa isang sikat na mall sa Ortigas.
Dito ay kanyang iginiit na walang katotohanan ang kuwento na naisalin na sa iba’t ibang bersyon sa loob ng tatlong dekada.