-- Advertisements --

Dadalhin na sa Department of Justice (DOJ) nina politician-actor Alfred Vargas at kanyang asawang si Yasmine ang kaso ng umano’y pambu-bully sa kanilang anak.

Ito ay matapos tanggihan ng Manila City Prosecutor’s Office ang kanilang Motion for Reconsideration sa naunang desisyong ibasura ang kanilang reklamo.

”Napakasakit para sa amin bilang mga magulang na mabalitaan na na-deny ang aming Motion for Reconsideration. Masakit dahil tila binalewala pa rin ang mga matitibay na ebidensyang inihain namin,” saad ng mag-asawa.

Sa inilabas na pahayag ng mag-asawa, sinabi nilang labis silang nalungkot sa naging desisyon ng piskalya.

Iginiit nina Alfred at Yasmine na hindi umano sila umasa sa mga haka-haka lamang. Ayon sa kanila, nagsumite sila ng malinaw at magkakatugmang testimonya mula sa ilang independent eyewitnesses na umano’y personal na nakasaksi sa pambubully at pang-aabuso sa kanilang pitong taong gulang na anak.

Inihayag din ng mag-asawa na kabilang sa kanilang mga isinumiteng ebidensya ang Psychiatric Evaluation Report mula sa St. Luke’s Medical Center, na nagsasaad na na-diagnose ang kanilang anak ng Adjustment Disorder, na ayon sa kanila ay patunay na nagkaroon ng trauma, anxiety at takot ang naranasan ng kanilang anak.

Dahil dito, kinuwestiyon nila kung bakit umano’y itinuring na kulang ang kanilang mga ebidensya sa isinagawang preliminary investigation.

Matatandaang naghain ng reklamo sina Alfred at Yasmine noong Abril sa Office of the City Prosecutor of Manila laban kina Rob Sy at Juvelle Bacosa dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Samantala, mariing itinanggi ni Rob Sy ang mga akusasyon laban sa kanyang anak. Ayon sa kanya, walang katotohanan ang mga paratang at imposible umanong mangyari ang sinasabing insidente dahil maraming tao at security personnel ang naroon sa lugar.

Ayon pa kay Rob labis siyang nasasaktan bilang ama dahil sa umano’y maling paratang laban sa kanyang walong taong gulang na anak.