-- Advertisements --

Naghain ng 20 bilang ng cyberlibel complaint ang aktres na si Yasmine Vargas laban sa ilang indibidwal kaugnay ng umano’y mapanirang posts sa social media laban sa kanya at sa kanyang pamilya.

Ayon kay Yasmine, hindi na siya mananahimik dahil nais niyang ipagtanggol ang kanyang mga anak at ang kanilang pamilya mula sa bullying at maling akusasyon online.

Giit niya, sinubukan muna nilang ayusin ang usapin sa maayos na paraan noong Pebrero, ngunit nagpatuloy pa rin umano ang mga post laban sa kanila.

Sinabi rin niya na ang mga isinampang kaso ay suportado ng ebidensya at dumaan sa tamang proseso. Hindi niya binanggit kung sino ang mga respondent sa reklamo.

Kaugnay nito, nauna nang naghain sina Yasmine at ang kanyang asawang si Alfred Vargas ng reklamo sa Manila Prosecutor’s Office laban sa mga magulang ng isang menor de edad na umano’y sangkot sa insidente ng bullying sa kanilang anak.

Ayon sa mag-asawa, may paglabag umano sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at sa obligasyon ng mga magulang sa ilalim ng Family Code.

Samantala, itinanggi naman ng kampo ng aktor na si Rob Sy ang alegasyon na bully ang kanyang anak, at iginiit na handa silang humarap sa reklamo at linawin ang isyu sa tamang proseso.

Nanawagan si Yasmine sa publiko na umiwas sa paninira at mapanakit na salita online, at iginiit na walang puwang ang bullying sa komunidad.