Nagsalita na ang aktor na si Rob Sy matapos ibasura ng Office of the City Prosecutor of Manila ang reklamong isinampa laban sa kanya at sa kanyang asawa na may kaugnayan sa umano’y pambubully ng kanilang anak sa anak ng aktor at Quezon City Councilor na si Alfred Vargas at asawa nitong si Yasmine.
Matatandaang inakusahan ng mag-asawang Vargas ang anak ni Sy na ilang beses umanong nagtangkang ilubog sa tubig ang kanilang anak habang nasa swimming lessons sa isang resort sa Maynila. Dahil dito, naghain sila ng reklamong kriminal laban sa mag-asawang Sy.
Gayunpaman, matapos ang isinagawang paunang imbestigasyon, ibinasura ng piskalya ang reklamo dahil sa kakulangan ng ebidensya. Sa kabila nito, nagpahayag ang kampo ng mga Vargas na iaapela nila ang naging desisyon.
Sa isang Facebook post noong Mayo 31, sinabi ni Sy na pinili niyang manahimik habang isinasagawa ang proseso ng batas ngunit napilitan siyang magsalita dahil sa patuloy na mga akusasyon at komento sa social media laban sa kanilang pamilya.
Mariin niyang itinanggi ang paratang na bully ang kanilang anak at iginiit na hindi maaaring ipalit ang mga akusasyon sa aktuwal na ebidensya. Aniya, malinaw sa inilabas na resolusyon ng piskalya na ang mga alegasyon ay nakabatay lamang sa mga haka-haka at walang sapat na basehan upang ituloy ang kaso.
Dagdag pa ni Sy, batay umano sa mga ebidensyang nakasaad sa 10-pahinang resolusyon ng piskalya, ang kanilang anak ang tunay na naging biktima sa insidente. Gayunpaman, hindi na siya nagbigay ng iba pang detalye ukol dito.
Binigyang-diin din ng aktor na bagama’t iginagalang niya ang karapatan ng pamilya Vargas na kuwestiyunin at iapela ang naging desisyon ng piskalya, hindi niya hahayaang manaig ang tinawag niyang “trial by publicity” o ang paghusga sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng social media.













