Nagsampa ng reklamo ang aktor at Quezon City councilor na si Alfred Vargas at ang kanyang asawa na si Yasmine laban sa mga magulang ng isang menor de edad na umano’y sangkot sa pambu-bully at pananakit sa kanilang anak habang nagsasanay sa swimming.
Ayon sa mag-asawa, lumabag umano ang mga magulang sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at nabigo rin sa kanilang tungkulin sa ilalim ng Family Code na gabayan at disiplinahin ang kanilang anak.
Sa isang post sa social media, sinabi ni Vargas na ilang ulit na nilang sinubukang ayusin ang sitwasyon sa pakikipag-usap sa mga magulang ng bata, ngunit sila umano ay “binasura” o hindi pinakinggan.
Isa sa mga insidente na binanggit pa ng aktor ay naganap umano noong swimming competition noong Pebrero, kung saan itinulak daw ang kanilang anak sa gilid ng pool habang nawa-warm-up. Ayon kay Vargas, nakita mismo niya at ng iba pang saksi ang insidente.
Dagdag pa niya, matapos umano ang pangyayari ay pinagtawanan pa ng minor at dalawa pang bata ang kanilang anak habang ito ay nasa sahig, na nagdulot ng matinding takot at emosyonal trauma sa kanyang anak.
Nagbigay naman ng mensahe ng suporta ang aktres na si Yasmien Kurdi, na nagsabing lubos niyang nauunawaan ang sakit at pagkabalisa ng ganitong karanasan dahil naranasan din nila ito noon.
Ayon kay Kurdi, mas masakit umano kapag alam na ng magulang ang sitwasyon ngunit pinipiling ipagwalang-bahala ito.












