-- Advertisements --

Binigyan na ng “go signal” ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng mga lotto operators na maaari nang tanggalin ang mga ipinaskil nila na closure signages.

Ito’y kasunod ng panibagong direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na resumption ng lotto operations nationwide.

Ipinag-utos din ni Albayalde sa lahat ng PNP units nationwide na tulungan ang mga lotto operators na tanggalin ang mga closure signages na inilagay sa lahat ng lotto outlets.

Una nang iniulat ng PNP na mahigit 30,000 lotto and gaming outlets na ino-operate ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang ipinasara ng pambansang pulisya.

Suspendido pa rin naman ang operasyon ng small town lottery, Keno at Peryahan ng Bayan.

Ibig sabihin, ang mga nabigyan ng franchise ng PCSO ukol dito ay hindi pa rin makapag-operate.

“With the newest order of the President allowing the resumption of lotto operations, all lotto operators may now remove the signages that the PNP placed on their outlets. All PNP units are directed by the PNP Chief, Police General Oscar D Albayalde to visit all lotto outlets and assist operators in removing the signages if needed,” opisyal na pahayag ng PNP.

Sa kabilang dako, binalaan ng PNP chief ang lahat ng police commanders na umayos at tiyakin na hindi mamamayagpag ang mga illegal number games partikular ang jueteng sa kanilang mga lugar.

Giit ni Albayalde, umiiral pa rin ang one-strike policy kaya kapag namayagpag muli ang jueteng ay mananagot ang mga police commanders.

Kumambyo naman si Albayalde sa kaniyang unang pahayag na posibleng magkaroon ng resurgence o muling mabubuhay ang jueteng matapos ipasara ng Pangulo ang lahat ng lotto gaming operations ng PCSO.

Aniya, wala silang nakikita na mamamayagpag muli ang illegal number games.