Tiniyak ni Education Sec. Leonor Briones na makakatanggap ng kaukulang assistance ang pamilya ng apat na gurong kasama sa nasawi sa aksidente sa Libon, Albay.

libon albay
Vehicular incident in Sitio Hulandig, Brgy. San Jose, Libon, Albay (photo courtesy Nancy Mirando Ibo Mediavillo / Radyo Pilipinas-Albay)

Kung maaalala, kasama ang apat na guro na galing sa Brigada Eskuwela sa 10 namatay nang mahulog sa bangin ang sinakyang pampasaherong jeep sa Sitio Hulandig, Barangay San Jose, Libon, Albay kahapon.

Sinabi ni Sec. Briones, nakikiramay ang Department of Education (DepEd) sa mga biktimang guro.

Ayon kay Sec. Briones, bagama’t wala sa kanilang budget ang ganitong assistance para sa mga nasasaktan o nasasawing guro sa sakuna, magsasagawa sila ng fund-raising mula sa mga kapwa guro, district supervisors, superintendents at mga miyembro ng executive committee.

Inihayag ng kalihim na “overwhelming” ang nakokolekta nilang tulong mula sa kanilang kasamahan sa DepEd.