
Naaresto na ng mga tauhan ng Intelligence Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si dating Congressman Ruben Ecleo Jr., sa ikinasang operasyon sa Diamond Subd., Balibago, Angeles, Pampanga kaninang alas-4:30 ng madaling araw.
Sa report na isinumite ni NCRPO director M/Gen. Debold Sinas kay PNP Chief P/Gen. Archie Francisco Gamboa, ang paghuli kay Ecleo ay batay sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Sec 3 (e) of RA 3019 “Anti-Graft and Corrupt Practices Act” na inisyu ng 1st Division Sandiganbayan.
Nahuli rin ang driver ni Ecleo na kinilalang si Benjie Relacion Fernan a.k.a. “Smile” na siyang nagkakanlong sa dating kinatawan ng Dinagat Islands.
Ang dalawang suspek ay dinala sa NCRPO, Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City para sa interogasyon.
Ang 63-anyos na si Ecleo ang No. 1 sa most wanted sa reward list ng Department of the Interior and Local Government na may patong na P2 milyon para sa kanyang ikadarakip.
Taong 2011 pa nagtatago sa batas ang dating kongresista.
Pero taong 2006 nang nahatulan sa kasong graft si Ecleo dahil sa construction ng public market at townhall at pagsasaayos ng kaniyang cult building sa San Jose, Dinagat Islands, nang maging alkalde ng lugar noong 1990s.















