-- Advertisements --

Pumalo sa kabuuang 856,291.91 metric tons (MT) ang naitalang huli ng sektor ng pangingisda sa bansa para sa unang tatlong buwan ng 2026, batay sa Fisheries Situation Report ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Nanguna sa talaan ang subsektor ng aquaculture matapos itong mag-ambag ng pinakamalaking bahagi na umabot sa 432,755.09 MT. Ito ay katumbas ng higit sa kalahati o 50.5 porsyento ng kabuuang produksyon sa bansa.

Pumangalawa naman ang commercial fisheries na nakapagtala ng 205,234.50 MT ng huli. Bumatak ito ng humigit-kumulang 24.0 porsyento sa kabuuang dami ng nakuha sa buong bansa.

Sumunod dito ang marine municipal fisheries na nag-ambag ng 168,022.38 MT sa mga pamilihan. Ang naturang antas ay katumbas ng 19.6 porsyentong bahagi sa pangkalahatang huli.

Pumwesto sa huli ang inland municipal fisheries na nakapag-uwi ng 50,279.95 MT sa unang bahagi ng taon. Nakakuha ito ng 5.9 porsyentong ambag sa pambansang produksyon ng pangingisda.

Sa kabuuan, ipinapakita ng datos ng PSA na ang aquaculture at commercial fishing pa rin ang pangunahing nagpapanatili ng suplay ng isda at yamang-dagat sa Pilipinas.