-- Advertisements --

CEBU CITY – “Justice has been served.”

Pahayag ito ni Atty. Amando Virgil Ligutan, abogado ng pamilya ni Bien Unido Mayor Gisela Boniel, halos limang taon mula nang ito ay pagbabarilin at itinapon sa dagat.

Ito’y matapos umaming “guilty” ang dating Bohol board member na si Rey Niño Boniel kasama ang apat na iba pa sa pagpatay sa asawa nito, sa pamamagitan ng plea bargaining agreement sa pagitan ng state prosecutors.

Si Boniel ay may kasong parricide sa Branch 70 Regional Trial Court ng Lapu-Lapu City at nahatulan ng walong taon at isang araw hanggang 14 na taon sa bilangguan.

Sa kabila ng pag-amin sa nagawang kasalanan, nahaharap naman ang mga ito sa kasong serious illegal detention and kidnapping sa bestfriend ng biktima na si Angela Leyson.

Patuloy pa ang pagdinig sa kaso na nasa hiwalay na korte.

Kung maalala, taong 2017 nang dinukot, pinatay at itinapon pa sa dagat na sakop ng Caubian island sa Lapu-Lapu ang alkaldeng si Gisela ngunit hanggang sa ngayon ay ‘di pa rin natatagpuan ang bangkay nito.