-- Advertisements --

Nanawagan si Magsasaka Party-list Rep. Argel Cabatbat na bigyan ng karagdagang alokasyon ng pondo ang Department of Agriculture (DA) kasunod ng balitang nakapasok na sa bansa ang African Swine Fever (ASF).

Sinabi ni Cabatbat na ang hakbang na ito ay para matiyak na nabibigyan ng sapat na proteksyon hindi lamang ang mga mamimili, kundi maging ang mga hog-raisers.

Nabatid na 14 sa 20 blood samples na kinuha sa mga namatay na baboy mula sa iba’t ibang piggeries ang nagpositibo sa ASF.

Bagama’t wala namang banta sa kalusugan ng tao ang ASF, hinihimok ni Cabatbat ang publiko na mag-ingat sapagkat wala pang conclusive report sa kung gaano kadelikado ang strain na ito.

Pinayuhan din ng kongresista ang mga mamimili na bumili lamang ng karneng baboy sa mga na-inspect at nasertipikahan ng National Meat Inspection Service.

“We also trust that the private sector will not take advantage of the situation, and keep the prices of pork within the suggested retail prices for our consumers,” dagdag pa nito.