Posibleng nasa 10 o higit pang mga kongresista ng 20th Congress ang nagsisilbing supplier o contractor sa mga proyekto ng pamahalaan, ayon kay Senador Erwin Tulfo.
Isiniwalat ni Tulfo ang pahayag matapos punahin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang ilang opisyal ng pamahalaan at sabihing “mahiya naman” sa mga palpak na flood control projects.
Hindi naman tiyak ng senador kung mayroon ding mga contractor sa Senado, dahil hindi raw niya alam ang mga negosyo ng kanyang mga kapwa senador.
Bukod dito, kung magkakaroon man ng pagdinig, posibleng ipatawag ang mga mambabatas, ngunit maaaring umalma ang mga ito dahil na rin sa umiiral na parliamentary courtesy.
Dagdag pa ni Tulfo, bago pa man ang SONA ni Marcos, nagalit na umano ang pangulo dahil sa mga kwestiyonableng proyekto ng pamahalaan, partikular ang mga flood control projects.
Samantala, hindi rin sigurado si Tulfo kung si Undersecretary Roberto R. Bernardo ng DPWH ang inalis sa puwesto.
Si Bernardo ang Undersecretary for Regional Operations ng ahensya na sumasaklaw sa MIMAROPA.
Sa kanyang pagkakaalam, nag-leave of absence si Bernardo ng tatlong buwan, base sa impormasyong kanyang nakalap.
Gayunpaman, kumpiyansa ang mambabatas na may mga opisyal mula sa DPWH na posibleng masibak sa puwesto.