Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kontrolado nila ang sitwasyon partikular sa Mindanao kung saan nag-o-operate ang iba’t ibang local terrorist groups.
Ito’y kasunod ng pangambang spillover sa Mindanao ng nangyayaring gulo ngayon sa Afghanistan dahil sa posibleng pakikisimpatiya ng mga terorista sa pamamayagpag ng grupong Taliban.
Ayon kay AFP spokesman, Col. Ramon Zagala, kapwa mahigpit na binabantayan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng AFP ang sitwasyon sa Afganistan subalit wala naman silang natatanggap na anumang ulat hinggil sa pagiging agresibo naman ng mga terorista sa Pilipinas.
Sa ngayon, lubhang naaapektuhan ang local terrorists group dahil sa pinalakas na opensiba ng militar.
Sinabi pa ni Zagala na patuloy ang pagsusumikap ng pamahalaan na panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa Mindanao katuwang ang Philippine National Police (PNP), mga lokal na pamahalaan at ang mga komunidad.
Hinigpitan din ng militar ang mga border sa bansa lalo na sa southern part na talagang ginagawang lusutan ng mga terorista dahilan kaya pinalakas ng AFP ang kanilang trilateral cooperation sa Malaysia at Indonesia.
Bagama’t aminado si Zagala na nananatili ang banta ng terorismo sa bansa, tiniyak nito na sa pagtutulungan ng bawat isa ay makakayang labanan ito sa kabila naman ng nararanasang pandemya.
Sa kabilang dako, inihayag ni Col. Zagala na nakadepende sa magiging desisyon ng pamahalaan kung tatanggap ang bansa ng mga refugee mula sa Afghanistan at napakalayo ng Pilipinas para puntahan ng mga mga refugees.
Siniguro ni Zagala na suportado ng AFP ang anumang magiging policy decisions ng gobyerno kaugnay sa mga refugees.